Sombero sa Taguig ikulong – Sandiganbayan

Mananatili sa kanyang kasalukuyang kulungan sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang retiradong police officer na si Wenceslao ‘Wally’ Sombero matapos ibasura ng Sandiganbayan 6th Division ang mosyon nito na mailipat sa kustodiya ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame.

Ito ang naging desisyon ng anti-graft court matapos na ayawan o tutulan din mismo ng PNP Custodial Center na sa kanila ikulong si Sombero at maging ang dalawang dating opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na sina Al Argosino at ­Michael Robles.

Nahaharap ang tatlo sa kasong plunder kaugnay ng P50 milyong bri­bery case.

Idinahilan ng mga ito ang umano’y banta sa kanilang buhay at ang isyung may kinalaman sa kalusugan pero mahigpit itong tinutulan ng prosekusyon kasabay ng hamon na patunayan ang mga idinadahilan nila.