SOMETHING’S BREWING

leo-austria

Mga laro ngayon (Smart Araneta Coliseum)

4:15 p.m. — TNT vs. Meralco
7:00 p.m. — SMB vs. Rain or Shine

Mukhang may niluluto ang San Miguel Beer.

Hindi malayong may sorpresang talupan ang Beermen sa pagtatangkang makawala sa two-game skid kontra magpapahaba ng winning streak na Rain or Shine sa nightcap ng twin bill mamayang gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Sa first game ng PBA Governors’ Cup ay magtatangka ding bumalik ang TNT KaTropa laban sa Meralco na misyon namang makisosyo sa liderato.

Walang sagot si SMB coach Leo Austria, pero isang source ang nagsabi na may bagong import na parating kapalit ni Terik Bridgeman. Ang tanong lang ay kung aabot ang replacement bago ang laro.

“May mga available (imports), pero manggaga­ling pa sila sa Europe or America kaya two-to-three days pa bago makarating and malamang na may jet lag pa ang mga ‘yan pagdating ng laro,” anang team insider.

Idinagdag ng source na naghahanap ang SMB ng import na naglaro sa Asia, puwedeng sa Korea o Japan, “para three-to-four hours lang nandito na.”

Nasilat ang Beermen sa dating winless Alaska 90-79 noong Sabado sa Angeles City.

Ibinangko na si Bridgeman sa buong second half pagkatapos magkalat ng six turnovers at 1 for 4 shooting. Si Bergman ang pumalit kay Wendell McKines.

Pagkatapos ng Elasto Painters, toka ng SMB ang Ginebra (Sept. 10), Kia (Sept. 16), Phoenix (Sept. 20) at Meralco (Sept. 24).

May bagong import man ang Beermen o panatiliin si Bridgeman, naghahanda si RoS coach Caloy Garcia sa balikwas ng katapat. Balik na sa E-Pain­ters si big man Beau Belga na nabigyan ng one-game suspension sa 92-88 win nila sa Star dalawang linggo na ang nakakaraan.

“They are still the team to beat this conference and we know that they play harder when they lose,” ani Garcia. “Their import would have already adjusted so we are expecting that he would play better this time around and we just have to be ready.”

Nasa unahan ng Bolts (5-1) ang Ginebra (6-1), nasa sixth ang TNT (4-3). Kinapos ang KaTropa sa GlobalPort 119-112 noong Biyernes, galing sa 17-day layoff ang Bolts pagkatapos ng 107-104 squeaker sa Phoenix noong Aug. 18.