Son Also Rises alagwa sa Japan Cup

Sandaling nanood ng bakbakan si Son Also Rises, sa kalagitnaan ng karera ay nakihalo na ito sa unahan upang sikwatin ang titulo sa 2019 “Japan Cup” kahapon sa Metro Turf Malvar-Tanauan City, Batangas.

Kumaripas sa largahan sina Lakan at Summer Romance habang malapit na tersero ang winning horse na si Son Also Rises.

Dahil sa pagkagustong makuha ang bandera, hindi na nakatiis si class A rider Kelvin Abobo na paalagwahin si Son Also Rises.

“Ayaw magpaawat, ang lakas ng lundag talagang gusto kainin sa unahan sina Summer Romance at Lakan,” hayag ni Abobo.

Pero nagkapanabayan pa rin sa banderahan sina Son Also Rises na nasa bandang labas at Lakan na nasa balya hangang sa rekta.

Sa huling 100 metro ay nakuha ni Son Also Rises ang unahan at tinawid nito ang meta na may kalahating kabayo ang agwat na sumegundong si Lakan.

Tumersero si Summer Romance habang pang-apat si Hiway One sa event na may layong 1,400 meters.

Naibulsa ng may-ari ni Son Also Rises ang P300,000 premyo, nakopo ng owner ni Lakan ang P112,000 habang naiuwi ng kampo nina Summer Romance at Hiway One ang tig-P62,500 at P25,000 ayon sa pagkakasunod.

Ang nasabing event ay inisponsoran ng Philippine Racing Commission (PHILRACOM).