PASISIBATIN ngayong araw ng Linggo ang walong tigasing kabayo sa magaganap na 2019 Philracom “4-year-old & Above Local Stakes Race” sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Tiyak na tututukan ng mga liyamadista ang magkakamping Son Also Rises at Cerveza Rosas na pag-aari ni BC Abalos at ini-ensayo ni CC Angeles.

Gagabayan ni former Philippine Sportswriters Association (PSA) Jockey-of-the-Year awardee Jessie B. Guce si Son Also Rises habang sasakyan ni class A rider MM Gonzales si Cerveza Rosas.

May 1,300 meters ang takbuhan kung saan tatanggap ng P300,000 ang may-ari ng unang kabayong tatawid ng meta sa event na inisponsoran ng Philippine ­Racing Commission, (Philracom).

“Hindi natin masasabi kasi magagaling din ang mga kasali kaya tingnan na lang natin sa laban,” saad ni Guce.

Ang ibang kalahok ay sina HiWay One, Smokin’ Saturday, Lakan, Eli Brassous, Magnificent Seven at Box Office.

Nakalaan din ang P112,500 para sa second placer, P62,500 ang ibubulsa ng tersero at hahamigin ng pang-apat ang halagang P25,000.