SONA NI DUTERTE AABANGAN SA ENDO, TAX CUT, UMENTO ATBPA.

rodrigo-duterte
Kuha ang larawang ito noong Hulyo 21, 2016 kung saan namigay si Pangulong Rodrigo Duterte ng pagkain sa mga residenteng apektado ng armed conflict, sa kanyang pagbisita sa Isabela, Basilan. (AFP/Presidential Photographers Division)

Ano ang gusto ninyong marinig sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangu­long Rodrigo Duterte ngayong hapon sa Batasang Pambansa?

Sa magkakahiwalay na panayam, may kanya-kanyang gustong marinig ang mga mambabatas na maipatupad ni Duterte sa susunod na anim na taon bilang Pangulo ng bansa.

Ayon kay Gabriela party-list Rep. Emmi de Jesus, nais nitong marinig na isesertipika ni Duterte ang panukalang batas na magpapatigil na sa kontraktuwalisasyon sa bansa at mabigyan ng permanenteng trabaho ang mga Filipino.

“Talamak na ang iskemang kontraktwalisasyon kung saan pinananati­ling mababa ang sahod ng kababaihang manggawa at walang benepisyo. Women workers’ exploitation and poverty wor­sened with contractualization.

Dapat dagling isabatas ni Pangulong Duterte ang campaign promise niya na buburahin ang ENDO,” ani De Jesus.

Para naman kay Marikina Rep. Miro Quim­bo, nais nitong tiyakin ni Duterte na maipasa na ang panukalang batas na ibaba o kund­i bawasan ang income tax ng sambayanang Filipino.

“Napakalaking ginhawa sa mga manggagawa kung sasabihin ng Pa­ngulo na ibaba na natin ang income tax at habulin ang mga tax evaders at mga smugglers,” ayon pa kay Quimbo.

Kapwa umaasa naman sina Capiz Rep. Fred Castro at ACT party-list Rep. Antonio Tinio na bibigyan ni Pa­ngulong Duterte ng atensyon ang sektor ng edukasyon kasama na ang pagpapataas sa sahod ng mga guro sa mga pampublikong paaralan.

“President Duterte has been vocal about increasing the salaries of members of the PNP and AFP. But we hope that he will also keep in mind the long struggle of teachers for decent living salaries.

We urge him to reverse his predecessors’ example of giving mere concessions and piecemeal increases to teachers,” ani Tinio.

Inaasahan naman ni Isabela Rep. Rodito Albano na idedetalye na ni Duterte ang kanyang anti-illegal drug campaign at pangalanan ang mga malaki at mga maimpluwensyang tao na sangkot sa iligal na droga.

“Tingnan natin kung sasabihin na niya kung sino yung mga local exe­cutives na sangkot sa drugs. Sana masabi na,” ayon kay Albano.

Para kay Kabataan party-list Rep. Sarah Ela­go, ang pagpapababa sa tuition at pagpapatigil sa implementasyon ng K to 12 program ang isa sa mga nais nilang marinig kay Duterte.

Sinabi naman ni Ba­yan Muna party-list Rep. Carlos Zarate na sabihin na sana ni Duterte ang kanyang buong plano sa peace talks sa mga komunistang grupo upang makamit na ang kapayapaan sa bansa kasama na ang usapang pang­kapayapaan sa mga rebeldeng Moro.

“‘Yung transportation, ano ang mga hakbang na gagawin para maresolba na ng problema sa trapik,” ayon naman kay Quezon City Rep. Wins­ton Castelo subalit isa lang umano ito sa mga nais niyang marinig.