Puspusan ang sinasagawang paghahanda ng Presidential Communications Operations Office ( PCOO) para sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa susunod na buwan.
Ito ang pinahayag kahapon ni PCOO Usec. Lorraine Badoy sa ginawang weekly forum ng National Press Club sa Intramuros Manila. Sinabi ni Badoy na lubusan ang kanilang ginagawang paghahanda sa mga ipapakitang accomplishment ni Pangulong Duterte sa SONA nito.
Aniya, magkakaroon ng mga cluster na tututok sa iba’t ibang programa sa nalalapit na SONA at pagbubukas na rin ng 18th Congress.
Napag-alamang sa darating na Hulyo 1, magpupulong ang economic clusters para balangkasin ang mga ipapakitang video sa loob ng Kongreso na susundan naman ng poverty clusters kaugnay sa mga nagawang accomplishment ng administrasyong Duterte samantalang nakatakda naman sa Hulyo 17 ang security clusters na gaganapin sa Davao City.
Tiniyak ni Badoy na magiging organisado ang lahat ng paghahanda sa nalalapit na SONA na inaasahang isa sa aabangan ay ang progreso ng Build, Build, Build project ng Pangulo. (Riz Dominguez)