Iginiit ni Senador Sonny Angara ang malawakang reporma sa water sector upang matiyak na tuloy-tuloy at hindi na magkaaberya pa sa suplay ng tubig sa buong bansa.
Dahil dito ay ipinanukala ni Angara ang pag-amyenda sa 43 taon nang Presidential Decree 1067 o Water Code of the Philippines na isinabatas noon pang panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Layon aniya ng pag-amyenda na mas mapalakas ang kapangyarihan ng nasabing batas at matiyak na mareresolba nito ang mga pangangailangan o problema sa tubig ng buong bansa.
Ipinunto din ni Angara na kada taon ay tumitindi ang tagtuyot, lumalala ang climate change at patuloy ang pagdami ng ating populasyon kaya mas tumitindi ang pangangailangan sa tubig.
“Dahil sa problemang ito, kailangang umaksyon ang iba’t ibang ahensyang may kinalaman sa seguridad ng water supply at bumuo ng isang master plan para tiyaking maayos ang distribusyon ng tubig. Kada taon, tumitindi ang tagtuyot, lumalala ang climate change at patuloy ang pagdami ng ating populasyon,” ayon kay Angara.
“Dapat lang na ayusin naman natin ang suplay ng tubig at siguruhing hindi ito magiging problema sa buong bansa,” dagdag pa ng re-eleksyonistang senador. (Anne Lorraine Gamo)