Sorbetero ‘di kasama sa cash aid inatake sa puso

Nagtulak umano para atakihin sa puso at yumao ang isang ice cream vendor nang hindi ito makasama sa binigyan ng pinansyal na ayuda sa Tagum City, Davao del Norte.

Sumangguni si Lolito Estelloso, Jr., 49, sa City Social Welfare Office at sa Department of the Interior and Local Government office sa Capitol compound para i-follow up umano ang tulong pinansiyal mula sa social amelioration program (SAP).

Ayon sa saksing si Ryla May Lapudji, sinabihan umano si Estelloso na wala nang pondo at ‘di ito pasok sa mga benepisyaryo dahil may trabaho ito bilang sorbetero.

Sumama aniya ang loob ng lalaki gayong halos lahat umano ng kapitbahay nito ay nakatanggap ng SAP.

Inatake ito sa tanggapan ng DILG, nilapatan ng lunas at sinugod sa ospital ngunit kalaunan ay sumakabilang buhay.

Ayon sa misis nito, nasa lahi ng pamilya ang sakit na hypertension. Kinausap na umano sila ng lokal na pamahlaan ng Tagum City at sinabing sasagutin ang gastos sa pagpapalibing.