Naalala mo pa ba noong bata ka? Madalas, pinapaalalahanan tayo ng ating nanay na huwag magkakain ng candy at iba pang matatamis at huwag ding inom nang inom ng malamig. Baka kasi magka-sore throat tayo.
Kapag naman nagka-sore throat, kadalasan ay nagmumumog lang ng maligamgam na tubig na may asin o umiinom ng paracetamol (aspirin pa noong panahon ko). Bihira ang nagpapatingin talaga sa doktor at nag-a-antibiotics.
Sa pagitan ng edad na 5 hanggang 15, kadalasang namamaga ang mga tonsil o nagkakaroon ng puting patche (nana) ang lalamunan ng may sore throat. Bukod dito, nilalagnat, sumasakit ang ulo at nagsusuka ang batang may sore throat.
‘Yun nga lang, kapag lumipas na ang dalawa hanggang apat na linggo at may strep throat pa rin, makakaranas na ang bata ng pananakit ng dibdib, pagbilis ng tibok ng puso, hindi makahingang mabuti, masakit ang tiyan, namamaga ang mga kasu-kasuan lalo na sa bandang siko, tuhod at bukong-bukong, nanginginig ang kamay at paa at maaaring magdugo rin ang ilong.
Maaaring sintomas na ang mga ito ng rheumatic fever. At kapag ‘di ito nakontrol ng maaga, maaaring magkasakit sa puso ang bata.
Madali lang gamutin ang rheumatic fever, ayon sa mga doktor, basta’t susunod ang pasyente. Ang tamang antibiotics ay makakatulong sa maysakit para mapatay ang bacteria.
Kailangan ding bantayan ang puso ng bata kaya’t isasailalim siya sa mga tests. Irerekomenda rin ng doktor ang serye ng mga injection ng low dose antibiotics sa loob ng 10 taon o hanggang sa dumating ang bata sa edad na 18 hanggang 21 anyos.
Every 3 weeks sa loob ng 5 hanggang 10 taon isasagawa ang injection sa batang nagka-rheumatic fever para maiwasang magkaroon ito ng rheumatic heart disease. Kapag kasi ‘di nagamot ng maayos ang rheumatic fever, ang mga balbula ng puso ay masisira at kakailanganin ng operasyon.
Kaya, huwag balewalain ang sore throat lalo na kung ito ay pabalik-balik na may kasamang paglalagnat.
***
Kung may katanungan, magpadala ng mensahe sa FB page: Mrs. Cariñosa May Asim Pa o mag-email sa: marou70@gmail.com