Soriano, Tan kampeon ng BVR

Muling nakipagkampihan si Charo Soriano sa matagal na niyang partner na si Bea Tan upang sikwatin ang korona sa Beach Volleyball Republic On Tour.

“Capped off this weekend with a gold! Thank you Bea Tan for dragging me out of my recovery slump and for trusting me to always give my best. ‘Til the next one,” saad ni Soriano.

Kinalos nina Soriano at Tan ang Perlas duo na sina Dzi Gervacio at Roma Doromal, 21-16, 21-19, sa Finals kaya nakalawit nila ang pangalawang BVR title ngayong taon.

Nakapagtala ng perfect 6-0 sina Soriano at Tan sa two-day tournament na ginanap sa Lio Beach sa El Nido, Palawan.

Masaya si Tan na naging kakampi niya ulit si Soriano sa sand court.

“Happy to take home the win in the BVR on Tour El Nido. Super happy that you’re back playing and killing it,” patungkol ni Tan kay Soriano.

Sa semifinals, mabilis na tinalo nina Soriano at Tan sina Lio Crusaders pair Sydney Eleazar at Paulina Ong, 21-10, 21-7, para i set ang finals showdown kina Gervacio at Doromal.