Sumikwat ng ticket sa semifinals sina Charo Soriano at Bea Tan matapos kaldagin sina Jennymar Senares at Jennifer Cosas, 21-16, 22-20, ng Bacolod kahapon sa wo­men’s division ng Beach Volleyball Republic On Tour sa Rizal Boulevard sand court, Dumaguete City.

Pangatlong sunod na panalo ng Perlas sa Group B matapos yumuko sa kanilang opening match laban sa tigasing duo nina Babylove Barbon at Genesa Eslapor.

Parehong may tig 3-1 records ang University of Santo Tomas, Perlas at Bacolod, pero hindi nakasampa sina Senares at Cosas sa susunod na round dahil mababa ang kanilang quotient.

Nahawakan nina Barbon at Eslapor ang top ranking, habang nasa second spot sina Soriano at Tan sa nasabing grupo ng ninth leg tour.

Kinumpleto nina Samaa Miyagawa ng Japan at Tin Lai ng Hong Kong ang four-match sweep sa Group A matapos payukuin sina Erjane Magdato at Alexa Polidario ng UNO-R, 21-15, 21-18.

Lumanding sa second place ang UNO-R pasan ang 3-1 karta.

Pinagulong ng AF ang UST, 21-17, 16-21, 16-14 upang hablutin ang No. 1 seed sa Group A ng men’s division.