KUALA LUMPUR — Pinaka-produktibo para sa Philippine Team ang Day 4 ng 29th Southeast Asian Games kahapon, nag-deliver na ng gold medals ang mga pambato ng bansa sa gymnastics at athletics.
Sinindihan nina veteran Reyland Capellan at rising star Kaitlin de Guzman ang gold rush sa Malaysia International Trade and Exhibition Center.
Inalat lang ang isang inaasahan ng Pilipinas na si Eric Shauwn Cray kinagabihan, dahil hindi nito nakumpleto ang golden double.
Naidepensa ng Fil-Am ang korona ng men’s 400-meter hurdles, pero nakawala sa kanya ang gold sa 100m dash sa National Stadium ng KL Sports City sa Bukit Jalil.
Ga-buhok na naungusan ng 50.03 seconds ni Olympian Cray si Phan Khac Hoang (50.05) sa 8-man final. Naglista si Cray ng 52.60 sa heats, mas matikas ang 52.54 ng Vietnames. Bronze si Andrian (51.52) ng Indonesia.
Wala pang isang oras, humarurot ulit si Cray sa century dash pero halatang pagod na ang mga tuhod, nagkasya na lang sa silver sa likod ni Malaysian Khariful Hafiz bin Jantan.
Kumabyos sa umpisa ang 23-anyos na si Capellan, gold medalist din sa 2015 Singapore SEAG, pero bumawi para magrehistro ng 13.950 points sapat para pagharian ang podium sa men’s floor exercise. Ibinaba niya sa silver at bronze sina Zul Bahrin Bin Mat Asri (13.750) ng Malaysia at Tikumporn Surintornta (13.670) ng Thailand.
“I was a little nervous at the start that’s why I lost my balance and had a bad landing,” lahad ng dating CEU pep squad member na si Capellan. “But it’s okay, at least I made up for that missed opportunity in the latter part of my routine.”
Wala pang isang oras pagkatapos ni Capellan, ang 17-anyos na si De Guzman naman ang nasa tuktok ng podium matapos umiskor ng 12.875 para mag-reyna sa uneven bars para tapusin ang 20-year gold-medal drought ng Pilipinas sa women’s artistic gymnastics. Tinalo niya sina Tracie Ang (12.550) ng Malaysia at Rifda Irfanaluthfi (12.075) ng Indonesia.
Si De Guzman, senior sa Epic Charter Home School sa Dallas, Texas, ay anak ni Cintamoni Dela Cruz na gold medalist din sa parehong event noong 1995 Chiang Mai SEA Games.
Nag-deliver din ng gold sina wushu artist Agatha Wong at Brennan Wayne Louie ng fencing. Naka-silver na si Wong, dinagdag niya ang gold nang umiskor ng 9.66 sa women’s taijiquan.
Gold-silver ang Filipinos sa men’s foil ng fencing, naungusan ni Fil-Am Louie ang kababayang si Nathaniel Perez sa final. Silver din si Hanniel Abella na nasilat kay Nguyen Thi Hoa ng Vietnam sa women’s individual epee.
MEDAL STANDINGS
(As of 10:00 p.m.)
COUNTRIES G S B
Malaysia 34 27 18
Singapore 19 18 17
Vietnam 13 9 15
Indonesia 10 12 20
Thailand 9 14 20
Philippines 8 10 9
Myanmar 4 3 3
Brunei 0 1 5
Laos 0 1 1
Cambodia 0 0 5
Timor Leste 0 0 0