Sotto dapat manatili sa US

DePaul, Georgia Tech at Kentucky – pare-parehong US NCAA school kung saan nanggaling ang ilang mala­lakas na manlalaro na su­malang sa NBA.

At nangyari lahat ng ito sa ikli lang ng panahon ng pag-eensayo niya sa Amerika, na kung dito sa Pilipinas ay malabo niyang marating ang nakamtang estado.

Walang kapantay si Kai nang maglaro sa Ateneo Blue Eaglets, tila mama sa mundo ng mga bagito na nag-a-average ng halos tatlong blocks kada laro at naging MVP sa kanyang huling season.

Marami ang nag-abang sa desisyon ni Kai. May ilang gusto siyang manatili sa Pilipinas tulad ni coach Tab Baldwin, habang maraming hati kung dapat bang sa Europa o sa Amerika siya magpapalakas.

Nangibabaw ang Tate para kay Sotto, nag-ensayo sa practice facility ng Atlanta Hawks bago masungkit ng The Skills Factory.

Dito na tuluyang umarangkada ang exposure para sa 17-anyos, naging top scorer para sa TSF at ayon sa ESPN ay four-star recruit na para sa 2020 draft class, Top 11 din sa lahat ng sentro sa nasabing pool.

Ngayon ay sasalang sa Mighty Sports si Kai para sa Dubai Invitational Cup, na ayon naman sa coach na si Charles Tiu ay ‘di naman makakaapekto sa eligibility niya sa NCAA.

Ngunit kung ako ang tatanungin, dapat ay magpokus muna sa pagpapalakas si Sotto sa America at umiwas muna sa ibang liga dahil ‘di rin biro ang biyahe at iba’t ibang estilo ng praktis para sa binata.

Isa pang dapat iwasan ay ang injury lalo pa’t wala pang nagko-commit sa kanyang school para pumirma si Kai, at sa kanyang makakalaban sa Dubai na beterano na sa laro ay baka sumobra ang pambabalya’t mapuruhan ang katawan nito.

Ilang buwan na lang ay posibleng maabot na ni Kai ang ‘di pa nagagawa ng kahit sinong homegrown talent sa Pilipinas, sana’y umayon sa kanya ang tadhana at maging kauna-unahang pure Pinoy sa NBA.