Sotto sa mga LGU: Abonohan ang kulang sa cash subsidy

Nanawagan si Senate President Vicente Sotto sa lahat local government units (LGUs) na pansamantalang sagutin ang anumang kailangang pondo para mapabilis ang delivery ng emergency subsidy sa tao at singilin ng lang sa gobyerno pagkatapos ng COVID-19 crisis.

“Pakiusap naman natin sa mga local officials, abonohan nyo yung kulang at saka natin singilin yung DSWD (Department of Social Welfare and Development),” pahayag ni Sotto sa panayam sa DZMM.

“Katulong niyo kami na maniningil diyan at kung anong pondong kailangan, kung kailangan kami diyan gumawa nga batas para diyan, gagawin natin,” dagdag nito.

Ayon sa Senate President, maari naman kunin ng mga lokal na opisyal ang kanilang calamity fund na gagamiting pantulong sa tao sa gitna ng kinakakaharap na COVID-19 pandemic.

“Inalis na nga namin yung cap dun sa Bayanihan sa mga calamity fund. Gamitin niyo na kahit anong pondo muna,” ani Sotto.

“Ang usapan dito, buhay na muna saka na yung pera, saka na yung gobyerno, hindi maibabalik yung buhay e, pero yung pera maibabalik yan, kikitain ng gobyerno yan,” sambit pa nito.

Ang tinutukoy ni Sotto ay ang probisyon ng Bayanihan to Heal as One Act kung saan inalis ang 30% cap sa halaga ng nilalaan para sa quick response fund sa panahon na mayroong state of national emergency.

“Karamihan naman ng mga LGU kakayanin e, abonohan mo muna, makakasingil ka naman sa gobyerno,” paliwanag ni Sotto.

Sa kasalukuyan, nakapaglabas na ang DBM na P101.5 bilyon sa DSWD at DOLE for sa kani-kanilang social amelioration program (SAP).

Sa ilalim ng Bayanihan law, naglaan ang gobyerno ng P200 bilyong cash assistance para sa COVID-19 response. (Dindo Matining)