Sotto sa mga ‘pork’ cong: Pera ng bayan ‘yan ilitaw lahat

Kung gusto ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na walang ceasefire sa isyu ng 2020 national budget, pabor umano ang Senado sa gusto ng mga ito.

Ayon kay Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, mas mainam ito para malaman ng publiko ang katotohanan sa mga isyung nakabalot sa 2020 national budget.

“Alam mo, mas gusto ng mga kababayan natin na walang ceasefire para lumabas ang mga katotoha­nan at lumitaw ang lahat. Mas gusto namin ‘yun,” pahayag ni Sotto sa panayam ng mga reporter kahapon.

Sinabi ito ni Sotto matapos ihayag ni House Deputy Speaker Luis Raymond Villafuerte Jr. na walang ceasefire sa pagitan ng Kamara at Senado sa usapin ng 2020 national budget.

“Ano ba pinag-uusapan namin? Ano bang pinag-aawayan nila? Ako nama’y hindi nakikipag-away pero ano ba pinag-aawayan nila? Pera ng taumbayan. Kaya mabuti na siguro wala ng ceasefire para lumitaw lahat,” dagdag pa ni Sotto.

Nagsimula ito sa iringan ng ilang kongresista at ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson matapos ihayag ng huli ang diumano’y naudlot na planong pagsingit ng P1.5 bilyong ‘pork’ allocation sa 2020 national budget para sa 22 deputy speaker at P700 milyon naman kada kongresista. (Dindo Matining)