Hindi umano kuntento ang siyam na nanalong senador ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) sa planong hatian ng mga pangunahing committee chairmanship ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto sa pagbubukas ng 18th Congress sa Hulyo.
Bunsod nito, nakatakdang makipagpulong ang binansagang HNP bloc kay Presidential daughter Sara Duterte–Carpio na siyang chairman ng lapian upang pag-usapan ang isyu.
Ayon sa isang realible source ng PolitikoPH, hindi umano masaya ang grupo sa plano ni Sotto na ipahawak ang mga major committee sa mga independent o opposition-leaning senators.
Lumabas din ang mga report na namimiligro umano ang puwesto ni Sotto dahil sa pagpasok ng bagong majority bloc.
Nais ng pinakamalaking grupo sa Senado na makuha ang kontrol ng malalaking komite upang mas madali ang pagpapatibay sa mga batas ng Duterte administration gaya nang panukalang federal form of government sa pamamagitan ng Charter change at ang pagbabalik ng parusang kamatayan.
Hindi umano komportable ang mga nanalong senador ng HNP na mapunta sa iba ang malalaking komite dahil napupurnada ang mga proyekto ng administrasyon.