bye ateneo, hello europe
Naging pipi si 7-foot-2 prodigy Zachary Kai Sotto sa napapabalitang paglayas o ‘di na pagtuloy sa Ateneo de Manila University para tanggapin ang isang offer sa Europa.
Sa naging laban ng Ateneo de Manila High School at FilAm Sports USA kung saan pinadapa nina FIBA U17 MVP Jalen Green ang koponan ni Sotto, 90-67, 2019 Chooks-to-Go NBTC League National Finals sa Mall of Asia Arena sa Pasay, tila naging pipi ang high school wonder tungkol sa susunod na plano sa paglalaro ng basketbol nang mausisa ng media paglabas ng dugout.
Posibleng huling laro na ni Kai para sa Ateneo ang nasabing torneo matapos malaglag sa Last 16. Matatandaang sinabi niya sa kaagahan ng nabanggit na liga na kanyang iaanunsiyo ang plano matapos lang ang finals nito.
Gaya ni Sotto, wala ring pinahayag ang kanyang tatay na si ex-pro Ervin Sotto at umiwas din sa media ukol sa nasabing plano ng anak nang mausisa.
Apat na European ball club ang napabalitang nagkainteres kay Sotto.
Ang mga ito ay ang Real Madrid, Barcelona, Saski Baskonia at Alba Berlin.
Minsang namutawi na rin sa mag-ama na pupunta ang batang Sotto sa daan na malapit patungong National Basketball Association sa Estados Unidos.
Kung babasahin ang senaryo, ang pananahimik ng mga Sotto ay nangangahulugan na may negosasyon nang nagaganap sa kanila at sa isa na team na nangliligaw sa batang basketbolista upang makuha ang kanyang serbisyo. (Ray Mark Patriarca)