Humarap na rin si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos nitong Martes sa house committee on good government and public accountability matapos siyang pagbantaan nina Majority Leader Rodolfo Fariñas at committee chair Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na ipaaresto at idedetine sa Kamara kung hindi dadalo sa imbestigasyon hinggil sa P66.45 milyong halaga ng biniling sasakyan ng Ilocos Norte provincial government gamit ang share ng kapitolyo sa tobacco excise tax.

Doon ay inusisa siya nina Fariñas at Marikina City Rep. Miro Quimbo kung sino ang kanyang source sa kanyang alegasyon na P100 milyong pondo mula sa “yellow forces” ang isinubo sa mga kongresista upang masiguro na siya ay makukulong kasama ang tinaguriang “Ilocos 6”.

Sa ikaapat na pananakot ni Fariñas na siya ay ipaku­kulong kung hindi sasabihin ang source ng kanyang impormasyon, napilitan si Imee na aminin na walang katotohanan ang kanyang pahayag. “Hindi po totoo iyon at ako ay nagpapaumanhin kung nasaktan ko ang members ng Congress,” wika ng gobernadora.

Pinili ni Imee na hindi pangalanan ang kanyang source hinggil sa umano’y P100 milyong suhol at sa halip inamin niya na lang na walang katotohanan ang kanyang akusasyon.

Tila nahawa naman sa katapangan ni Imee ang ­anim na empleyado ng provincial government ng Ilocos Norte na sina Pedro Agcaoili, provincial planning at development office chairperson; Josephine Calajate, provincial treasurer; Eden Battulayan, provincial accountant; Evangeline Tabulog, provincial budget officer; Encarnacion Gaor at Genedine Jambaro, mga staff ng provincial treasurer’s office

Sinagot nila ang lahat ng tinatanong ni Fariñas at iba pang miyembro ng komite hinggil sa nasabing transaksyon. Sa huli, pumayag na rin si Fariñas na palayain ang anim na empleyado. Mula nang ma-detain noong Mayo 29, 2017 at sa kabila ng utos ng Court of Appeals (CA) na palayain ang mga ito, ganap na ring lumaya ang Ilocos 6 nitong Hulyo 25, 2017.

***

Ginagawang tanga ng Department of Tourism (DOT) ang taumbayan nang maglabas ng accomplishment report sa unang taon ng administrasyong Duterte. Gumamit pa ng dalawang graph, ipinakita nila na lumago raw ng 71.83% ang tourist arrivals at halos doble o 109% ang tourism revenue sa unang 11 buwan ng administrasyon.

Kitang-kita ang panlilinlang ng tanggapan ni DOT Secretary Wanda Teo dahil ikinumpara niya ang datos ng tourist arrivals at revenue mula 2010-2011 hanggang 2016-2017.

Aba’y pati na ang pagsisikap ng Aquino administration para mapalago ang turismo at revenue sa loob ng anim na taon, inangkin ng tanggapan ni Secretary Teo.

Nakabagong sapatos yata ang kalihim kung kaya’t hindi iniintindi ang paltos sa kanyang paa eheste sa datos ng accomplishment report kuno.

Ang dapat lang angkinin ni Teo ay ang datos mula Hun­yo 30, 2016 hanggang Hulyo 2017 at hindi mula noong 2010 kung saan nag-umpisa ang administrasyong Aquino. Ang hilig kasi sa fake news ng administrasyon kaya pati na ang accomplishment report ng DOT, pinepeke.

Ang kaabang-abang dito, gumawa rin kaya ng milagro ang tanggapan ni Secretary Teo sa pagtatapos ng calendar year 2017? Remember, hanggang sa buwan pa ng Dis­yembre iiral ang Martial Law sa Mindanao at mahaba-haba pang panahon magdurusa ang tourist arrivals at revenue.