South Korea nag-donate ng 950 toneladang bigas

Nagbigay ng 950 toneladang bigas ang Southe Korea para sa mga Pilipinong biktima ng kalamidad.

Sa pahayag nitong Lunes, sinabi ng Department of Agriculture (DA) na makikinabang dito ang nasa 15,000 pamilyang biktima ng lindol sa North Cotabato, Davao del Sur, kabuuan ng Davao region at Soccsksargen.

Mabibigyan din ang mga pamilyang biktima ng mga pagbaha noong 2019 sa Cagayan Valley.

Itu-turnover ng DA ang mga bigas sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na siyang naatasang mamahagi sa mga benepisyaryo.

Kaugnay nito, nagpasalamat si Agriculture Secretary William Dar kay South Korean President Moon Jae-in at nangakong marami ang makikinabang sa donasyon.

Sinabi naman ni Republic of Korea Ambassador Han Dong Man na sa matatag na samahan ng Pilipinas at South Korea, umaasa siyang makatutulong ang donasyon sa pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino. (Dolly B. Cabreza)