Southern Leyte LGU sinita ng COA sa ₱46M calamity project

Kinuwestiyon ng Commission on Audit (COA) ang local government unit (LGU) ng Southern Leyte dahil sa hindi pagpapatupad ng mga disaster risk reduction project sa kanilang probinsya na isa sa mga grabeng sinalanta ng super typhoon Yolanda mahigit limang taon na ang nakalipas.

Base sa 2018 Annual Audit Report ng COA, mula sa P46 milyong budget ng pamahalaang lokal para sa Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF), nasa P8,998,868.55 pa lamang ang nagamit para sa kanilang mga proyekto.

Ayon sa COA, may natitira pang P36,628,086.55 sa naturang pondo na ginamit dapat para sa mga disaster risk management activity alinsunod sa itinatakda ng batas.

Kabilang sa mga proyektong hindi pa naipapatupad na nakasaad sa inaprubahang budget ng pamahalaang lokal ay ang pagtatatag ng Relief and Recovery Quick Response Fund, pagsasanay ng Provincial Disaster Response Team on Emergency Medical Technician, at pagtatapos ng ilang Multi-Purpose Livelihood and Training/Evacuation Centers.

Inamin naman ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ng Southern Leyte na hindi naipatupad ang ilang infrastructure project dahil sa kawalan ng technical staff. (Allan Yves Briones)