Dapat sigurong kalampagin ang mga opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) dahil marami pa ring mga negosyante ang hindi sumusunod sa tamang pasahod sa kanilang mga manggagawa.

Hindi lang dapat mga Overseas Filipino Worker ang tutukan ng DOLE kundi isama na rin ang mga maliliit at arawang manggagawa sa bansa.

Hindi na nila kaila­ngang lumayo pa sa ­Metro Manila dahil karamihan sa mga ­negosyante ay hindi nagbibigay ng minimum wage na mula P500 hanggang P537 na siyang itinakda sa batas ­paggawa.

Isa sa mga hindi nagbibigay ng tamang pasahod ang mga nagnene­gosyo sa spa, massage parlor at mga hair salon at sa halip ay porsiyentuhan lamang ang mga manggagawa ng mga ito.

Wala rin sa bokabularyo ng mga may-ari ng negosyong ito ang mag-regular ng kanilang empleyado at sagad-sagaran ang oras ng trabaho na inaabot ng mahigit 12 oras lalo na kung maraming kustomer.

Dapat sigurong silipin ng DOLE ang karapatang magnegosyo ng mga may-ari ng spa at massage parlor sa Metro Manila dahil ang mga ito ay mga dayuhan at nuknukan ng kuripot at ­obrang higpit sa kanilang mga empleyado.

Halimbawa na lamang ang isang kilalang massage parlor na maraming sangay sa National Capital Region na wala pa sa kalahati ng minimum wage ang pasahod sa mga tauhan at wala ring 13th month pay tuwing Pasko.

Ang malimit na katwiran ng may-ari ng spa kapag nagrereklamo ang mga tauhan ay malaya silang maghanap ng ibang mapapasukan.

Ang lalakas ng loob ng mga kamoteng ­negosyante na mga ito na mang-api sa kanilang mga tauhan kaya dapat siguro ay patikim ng hagupit ng baston ang mga ito.

Bukod sa DOLE, dapat din sigurong silipin ng Bureau of Internal Reve­nue (BIR) ang libro ng mga ito kung nagbaba­yad ba ng tamang buwis.

Ang nakakalungkot lang sa mga taga-DOLE, saka lamang kumikilos ang mga ito kapag may nagrereklamo sa kanila. Hindi ba puwedeng paminsan-minsan ay umikot naman kayo para malaman ninyo kung nasusunod ang mga ipinatutupad ninyong batas sa paggawa?

Kung ‘yung nga tindera sa Divisoria na da­ting binabayaran lamang ng P100 kada araw ay nagawang mapataasan ni Manila Mayor Isko ­Moreno matapos ­bantaan ang mga negosyante, baka puwede ring ­gawan ng paraan ang mga ­arawang masahista na hindi binabayaran ng tamang pasahod.

Natatakot magreklamo ang mga masahista dahil baka sibakin sila lalo na at mahirap anilang maghanap ng trabaho.

Matiisin ang mga Pilipino pero sana naman kumilos ang gobyerno para itama ang mga ­maling sistema.

Ipinagmamalaki ng gobyerno ang mga ipinatutupad na pagbabago, pero tila ba nakalimutan ding isama ang pribadong sektor lalo na ang kapakanan ng mga pribadong manggagawa na pinagsasamantalahan ng mga tusong negosyante.