Spa sa Makati ni-raid sa extra service

Labintatlong kababaihan ang dinampot ng mga pulis matapos sala­kayin Martes ng madaling-araw ang isang spa sa Brgy. Poblacion, Makati City na nagbibigay umano ng extra service sa kanilang mga kustomer.

Sa ulat ng tanggapan ni Col. ­Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, dakong alas-3:40 ng madaling-araw nang salakayin ng mga awtoridad sa pangunguna nina Major Gideon Inez at Women and Children Protection Desk chief Lt. Mylene Juan ang Spa Osaka na matatagpuan sa No. 5353 Gen. Luna corner Mariano St., Brgy. Poblacion.

Bukod sa mga massage therapist, kabilang din sa nasakote ang kahera ng spa. Nabatid pa na nasa 22-anyos hanggang 33-anyos ang mga babaeng massage therapist.

Sinalakay ang spa matapos na makatanggap ng impormasyon ang pulisya hinggil dito at nakumpirma ang iligal na aktibidad.

Nabatid na isang police asset ang nagpanggap na kustomer at nagbayad ng P3,000 para sa extra service. Pagpasok umano ng police asset sa kuwarto kasama ang isang therapist ay nagbigay ito ng hudyat sa mga nakaantabay na pulis.

Nahuli umano sa akto ang therapist na nagsisimula nang makipagtalik sa police asset. Nakakuha rin sa lugar ang iba’t ibang sex paraphernalia tulad ng condom.

Dinala ang mga nabanggit na ­babae sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) habang inaalam pa ng mga awtoridad kung sino ang may-ari ng spa.

Ayon kay Simon, mula noong Oktubre 2019 ay nasa walong establisimiyento na ang kanilang sinalakay dahil sa pagiging front ng prostitusyon sa Makati at pito dito ang sinampahan na ng kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 at Municipal Ordinance 2013-12. (Armida Rico)