Spa sa Maynila buking sa prostitusyon

Nasagip ang dalawang­ babae na magbibigay sana ng extra service, habang arestado naman ang empleyado ng isang spa makaraang magkasa ng entrapment operation ang pulisya sa Bacood, Sta. Mesa, Maynila kamakalawa nang gabi.

Ayon kay NCRPO Regional Director PMGEN. Guillermo Lorenzo Eleazar, ang suspek ay nakilalang si Sheila May Genove, 22, stay in sa Levender Zen Spa.

Nakatanggap ng impormasyon ang pulisya sa inaalok umanong iba pang serbisyo ng nasabing spa.

Sanhi nito, nagsagawa ng surveillance ang pulisya hanggang makumpirma ang sumbong.

Iniaalok umano ang serbisyo sa mga paruk­yano ng mga umano’y therapist on call with extra service kung saan ipinapakita ang mga larawan ng mga babae.
Nagkakahalaga umano ng P5,000 ang kada serbisyong pakikipagtalik, kung saan P1,000 ay mapupunta kay Genove.

Nagpanggap na parukyano ang dalawang­ operatiba at nang maisara ang transaksiyon at isinama na ang dalawang babae na nasa edad 19 at 27, dinampot na ng pulisya si Genove.

Sasampahan ng kasong paglabag sa RA 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012. (Juliet de Loza-Cudia)