Speaker Alvarez vs. Sen. De Lima

Pagkatapos ng unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes, inaasahang magsisimula ang “digmaan” sa pagitan ni presumptive Speaker Pantaleon Alvarez at si Senador Leila de Lima na dating kalihim ng Department of Justice (DOJ).

Nais paimbestigahan ni Speaker Alvarez ang paglala ng problema sa iligal droga sa New Bilibid Prison (NBP) sa ilalim ng termino ni De Lima bilang DOJ secretary na may administrative at operational control sa NBP.

“Let us investigate why during the term of now Senator De Lima, nag-proli­ferate ‘yung illegal drugs sa loob ng Bilibid, ‘yun dapat ang imbestigahan. I will file a resolution para im­bestigahan ‘yan,” pahayag ni Alvarez.

Kasabay halos ng pahayag na ito ni Speaker Alvarez ang paglalabas ni Solicitor-General Jose Calida ng mga larawan kung saan magkasama si De Lima at ang convicted drug lord na si Herbert Colangco sa loob mismo ng sinasabing “kubol” ng convict sa loob ng NBP compound.

Una nang binatikos ni SolGen Calida si De Lima kung ano ang nagawa ng dating kalihim ng DOJ para sugpuin ang talamak na iligal na droga sa loob mismo ng NBP. Lampas limang taon na naging pinuno ng DOJ si De Lima pero hindi niya nagawang maglunsad ng crackdown sa mga drug lord sa NBP.

Matagal nang may usap-usapan na ang mga drug lord ay namumuhay na parang mga hari sa loob ng kanilang mga 5-star hotel-type amenities habang patuloy ang kanilang drug-dealing activities sa pamamagitan ng kanilang mga laptop at cellphone na may malakas na wifi signal.

Matatandaang noon lang ikalawang bahagi ng 2015 nagsagawa si De Lima ng inspeksyon sa NBP at hindi agad nakita ang mga magagarbong “condotel” ng mga drug lord dahil kinailangan pa ng tulong ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) para mapasok ang mga naturang lungga ng mga drug lord.

Kung hindi ako nagkakamali, noon lang nagdesisyon si De Lima na maging senador sineryoso ng DOJ ang crackdown sa mga drug lord sa NBP at kinailangang ilipat ang 20 drug lords sa NBI detention facilities habang ginigiba ang kanilang mga kubol na punung-puno ng mga mamahaling appliances, bathtub at mga mataas na kalibreng baril.

Nakakataka ngang wala na tayong narinig sa mga isinampang kaso sa mga opisyal at jailguards ng NBP na responsable sa VIP treatment ng mga drug lord gaya ni Herbert Colangco, na nakapagtayo pa ng recording studio sa loob ng NBP compound.

Wala rin tayong narinig na nakasuhan sa mataas na opisyal ng DOJ na sinasabing nagbigay ng go-signal sa mga NBP official na bigyan ng VIP treatment ang mga drug lord kapalit ang malaking halaga ng pera.

At mas nakakapagtakang hindi nag-imbestiga ang Senado at Mababang Kapulungan sa VIP treatment sa mga drug lord sa NBP dahil kakampi nila si De Lima at kilalang paborito ni dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III kung kaya napabilang sa senatorial slate ng Li­beral Party (LP).

Mukhang wala nang kawala ngayon si De Lima dahil mismong si Speaker Alvarez ang maghahain ng resolusyon para imibestigahan ang NBP at siguradong makakaladkad dito si De Lima.

Pero dahil senador si De Lima ay hindi siya puwedeng puwersahin na dumalo sa mga pagdinig. Ang gagawin lang siguro ng senador ay mag-isyu ng mga press release bilang pansagot sa mga ipupukol sa kanya sa mababang kapulungan. Abangan ang giyera sa pagitan ni Alvarez at De Lima.