Special child, pinag-shabu at halinhinang hinalay ng tatlo

Part 1

MAHALAGA sa isang mag-asawa ang pagkakaroon ng anak o mga anak dahil nabubuo lamang ang isang pamilya kapag kinabibilangan na ito ng isang ama, isang ina at kanilang anak.

Magkatuwang ang mag-asawa sa pagtataguyod sa kanilang mga magiging anak at pantay ang kanilang pana­nagutan bilang mag-asawa na pagtulungang maging maayos ang pagpapalaki sa kanilang magiging supling.

Bagama’t kadalasan ay minamaliit at hindi gaanong napapahalagahan ang tungkulin ng isang ina sa kanilang pamilya, hindi maitatanggi na sila ang higit na nakakaunawa at nakakabatid sa pangangailangan ng kanilang mga anak, bukod sa pagganap niya bilang maybahay sa kanyang asawa.

Kung ang isang ama ay nagsusumikap sa pagtatrabaho upang mabigyan ng wasto at magandang pamumuhay ang kanyang pamilya, ang ina naman ang nagkakaloob ng walang hanggang pagmamahal at pagtitiis para sa kapakanan ng kanilang mga anak.

Tunay na hindi lahat ng mga ina ay mapalad sa pagkakaroon ng responsable at mabait na asawa at mga anak dahil may mga ina na dumaraan sa matinding pagsubok sa buhay at karamihan sa kanila ay kayang balikatin at tiisin ang lahat ng hirap para na rin sa kapakanan ng kanilang mga anak.

May mga magulang na bagama’t ginagampanan talaga ang kani-kanilang mga tungkulin sa kanilang mga anak, may pagkakataon na dumarating sa kanilang buhay ang tunay na pagsubok sa kanilang katatagan lalu na kung ang anak na ipinagkaloob sa kanila ng Poong Maykapal ay may pangangailangan ng ibayong pag-aaruga at espesyal na atensiyon.

Sa ngayon, masasabing mapalad pa nga ang mga magulang na walang sapat na kakayahang gumugol ng malaking halaga upang mapag-aral ang kanilang anak na may intellectual disabilities o pagka-antala ng wastong karunungan at kaalaman dahil may batas na kumikilala at nagtataguyod sa pagpapa-aral sa mga batang may espesyal na pangangailangan.