Pera na naging bato pa.

Masaklap ang naging kapalaran ng Ateneo Blue Eagles, pitong segundo na lang at kuha na nila ang panalo pero nanakawan pa ng Adamson University Falcons 61-62 kahapon sa LXXIX season ng UAAP men’s basketball sa Smart-Araneta Coliseum.

Kumakapit ang Blue Eagles sa 61-60 bentahe 7.1 segundo na lang sa laro, bola ng Falcons at humingi si Adamson coach Franz Pumaren ng timeout.

Pagbalik sa court, sinalo ni Dawn Ochea ang inbounds pass para isalpak ang game-winning turnaround jumper para itulak ang Adamson sa 2-1 card.

Wala sa loob ng court si Ochea ng tumawag si Pumaren ng timeout.

Mula sa bench hinugot ni Pumaren si Ochea at dinisenyo ang play.

Nag-deliver naman si Ochea, hindi binigo ang kanyang coach nang itarak ang kanyang tanging puntos pero pinakamahalaga sa laban.

“Dawn Ochea made me a coaching genius” saad ni Pumaren.

Namuno sa opensa ng Adamson si Robbie Manalang sa 15 points, 10 sa fourth quarter.

Kinana rin ni Manalang ang back-to-back triples para itabla ang iskor sa 60, 1:46 pa sa payoff period.

May 12 puntos si Anton Asistio Blue Eagles, nalasap ang pangalawang talo sa apat na laro.

Sa unang laro, nakabalik ang season host University of Santo Tomas mula sa nakakadismayang 38-point defeat sa La Salle nang pagdiskitahan ang UP 83-77.

Sa stretch, nag-take over sina Oliver de Guzman at Regie Basibas para ibalik sa win-column ang Tigers (2-2). Nagsabwatan sina de Guzman at Basibas sa pamatay na 8-0 run na nagpakalas sa mga taga-Espana mula sa 71-71 deadlock.

Nagsumite si Louie Vigil ng 18 points, seven assists at six rebounds sa UST, tumapos ng tig-11 sina de Guzman at Basibas.