SPECIAL DELIVERY

SILA ANG REYNA ---Nagsuguran sa floor at nagsimula ang selebrasyon ng F2 Logistics matapos kalusin ang Foton 18-25, 25-18, 25-21, 25-19 sa winner-take-all Game 3 para ibulsa­ ang korona ng Philippine Superliga All-Filipino Conference sa FilOil Flying V Center kagabi. (Jhay Jalbuna)

Tinapos ng F2 Logistics ang matikas na kampanya sa Philippine Superliga All-Filipino Conference sa pamamagitan ng 18-25, 25-18, 25-21, 25-19 win laban sa Foton sa winner-take-all Game 3 ng finals sa FilOil Flying V Center sa San Juan.

Nag-deliver buong laro sina Ara Galang at Kim Dy, bago tinapos ng service ace ni Mika Reyes ang match at ang championship series ng inter-club tournament na suportado ng KLab Cyscorpions, Mikasa, Mueller, Asics at official broadcast partner TV5.

Tumapos si Galang ng 12 points mula sa nine kills at two blocks, umayuda si Dy ng 11 hits para sa Cargo Movers. Naglista ng 10 digs si libero Dawn Macandili na tinanghal na MVP.

Inari ng F2 Logistics ang opener ng best-of-three series sa five sets, pero nakapuwersa ng ­decider ang Tornadoes nang hamigin ang Game 2 sa four sets.

Kinuha ng Foton ang first set sa likod ng atake nina­ Jaja Santiago, Cherry Rondina at EJ Laure, pero nang magising ang Cargo Movers para agawin ang second set ay hindi na bumitaw.

Hawak na ang momentum ay rumatsada ng 16-11 lead ang F2 bago ang second technical timeout sa fourth set, pero muling nanindak ang Foton, 23-19.

Umatake si Dy at naiporma ang service ni Reyes na nagselyo sa panalo ng squad ni coach Ramil de Jesus­ na binubuo halos ng core ng UAAP champion De La Salle University.

Tumapos si Santiago ng 14 kills, four blocks at two aces tungo sa 20 points, may 12 hits si Rondina sa Tornadoes.