Special session ilalarga sa Lunes

Nagkasundo ang Kongreso at Ehekutibo na magkaroon ng special session para aksiyonan ang kahilingan ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan siya ng kapangyarihan para magamit ang bahagi ng kasalukuyang pondo sa pagharap sa hamon ng coronavirus disease 2019.

Nagpulong sa Malacañang nitong Sabado ang mga lider ng Kongreso at ilang mambabatas kasama ang mga opisyal ng ehekutibo.

Inilatag ng mga economic manager ng Pangulo ang hirit sa Kongreso na bigyan ang ehekutibo ng laya para makakilos ng maayos sa pagharap sa COVID-19.

Hiniling din ng ehekutibo sa mga senador at kongresista na bigyan ng kapangyarihan si Pangulong Duterte para pondohan ang mga hakbang na ilalarga sa pagtugon sa COVID-19 health emergency, kasama na ang recovery at rehabilitation.

“It seeks to grant authority to the President to do what may be deemed necessary to fund measures to address and respond to the COVID-19 health emergency, including recovery and rehabilitation,” ani Senador Bong Go.

Itinakda ang special session sa Lunes, alas-10:00 ng umaga para talakayin ang pag-realign ng pondo sa mga ahensiya ng gobyerno na gagamitin sa pangangailangang pangkalusugan, food at cash assistance para sa mga mahihirap na sektor.

Kabilang sa mga dumalo sa pulong ay sina Senate President Vicente `Tito’Sotto III, House Speaker Alan Peter Cayetano, Senador Go, Executive Secretary Salvador Medialdea, Finance Secretary Sonny Dominguez, Budget Secretary Wendell Avisado, Congressman Eric Yap, Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista, Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, at iba pang miyembro ng gabinete. (Aileen Taliping)