Special session sa 2019 budget pinahaharang kay Medialdea

Hiningi ng mga senador ang ‘commitment’ ni Executive Secretary Salvador Medialdea na huwag iendorso o mas mabuting harangin ang rekomendasyon ni Budget Secretary Benjamin Diokno na magpatawag ng special session si Pangulong Rodrigo Duterte para maaprubahan ang 2019 national budget.

Iginiit ito ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson sa kanyang manifestation sa deliberasyon ng Senado sa panukalang budget para sa Office of the President kahapon na dinaluhan ni Medialdea.

Sinegundahan naman ito ni Senate Majority Leader Migz Zubiri sa pagsasabing mahihirapan na rin silang makabuo ng quorum kung magsasagawa pa ng special session.

Sa panayam naman kay Medialdea, nangako ito na ipararating kay Pangulong Duterte ang apela ng mga senador.