Dahil sa COVID-19 at lockdown, dumami mga tropapips ang nangailangan ng mga gadget na magagamit sa internet tulad ng smartphone, laptop, tablet at desk computer. Ang iba eh para may magamit sa work from home, ang iba naman para sa negosyo tulad ng online selling—ang problema, napakakupad naman ng internet.
Bago ang pandemya, sangkatutak na ang mga Pinoy na gumagamit ng internet para maghanap ng tsismis at may problema sa Facebook. Meron ding mga manood ng scandal o tumitingin ng mga hubad na larawan sa kanilang cellphone. Marami nga sa mga kababayan natin eh naka-data lang na promo at nagtitiis sa mabagal na pag-load ng pinapanood nila basta lang makapag-FB o kaya Youtube.
Nang magka-lockdown, nadagdagan pa ang bisyo ng mga Pinoy—ang pagti-Tiktok at video blog o vlog . Kahit may video kasi ang cellphone mo, siyempre kailangan mo pa rin ang internet para mai-post ang pakitang-gilas mong sayaw o kung anumang pakuwelang gimik. Kahit nga mga matatandang bugnot na sa bahay dahil sa lockdown eh naki-Tiktok.
Ang iba naman na wala ring magawa at gustong kumita sa pagyu-Youtube, kahit yata pag-ebak eh gustong i-video para may mai-post sa kanilang channel. Ika nga, lahat eh gagawin sa ngalan ng “views” para malagyan ng ads ang kanilang account at kumita.
Buti hindi naiisip ng BIR (Bureau of Internal Revenue) na pagrehistuhin at buwisan ang mga vlogger at baka isama na rin nila ang mga nagti-Tiktok para mabawasan. Kesa naman ang pinupuntirya nila eh yung mga nag-o-online selling kung kailan may pandemic.
Sabi ng ilang mambabatas, wrong timing ang ginawa ng BIR dahil marami ngayon na nasa online selling ay mga taong nawalan ng trabaho dahil sa COVID crisis, tulad ng mga OFW. Aba’y pati ba ang mga nagtitinda ng kakanin at homemade shake eh papagurin pa nilang magparehistro kahit hindi naman nila mabubuwisan dahil less than P250,000 bawat taon ang kita?
Balik tayo sa internet mga tropapips, ngayon na bawal ang face to face na klase, sa internet din aasa ang mga estudyante at guro sa pasukan—ang tanong, kakayanin pa kaya ito ng mga telco? Aba’y ngayon pa nga lang eh pagkarami-rami nang reklamo tungkol sa nawawalang internet connection, nalalaglag na internet connection, napakabagal na internet connection, at iba pa ang nababalitaan natin.
Noong 2014, may nabasa na tayong mga ulat na ang Pilipinas ang isa sa mga bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), na ubod ng bagal ang internet. Sa isang report ng UN noong 2011, nabanggit ang kahalagahan ng internet at nakasaad na sa internet broadband download speed, pang-139 ang Pilipinas sa 185 na bansa.
Fast-forward ngayong April 2020, lumitaw sa speedtest global index na pang-110 daw ang Pilipinas sa 174 bansa pagdating sa fixed broadband speed. Bakit ganun? Kung gusto mo naman ng mas mabilis-bilis na internet, aba’y bayad ka ng mas mahal. Pero hindi pa dapat dagdagan na ng mga telco ang bilis ng kanilang internet dahil dumadami na ang mga tao sa worldwideweb, at ‘yan ay hindi dahil sa “bisyo” kung hindi dala ng “pangangailangan.”
May isa mga tayong kurimaw na naghimutok na konting ulan lang daw eh parang giniginaw na rin ang kaniyang internet service dahil nawawala. Dahil ginagamit niya sa trabaho ang internet, napilitan pa siyang bumili ng prepaid wifi para reserba, hindi lang para sa kaniya kung hindi para na rin daw sa mga anak niya para sa online schooling.
Dahil sa pandemic at lockdown, nakita na rin natin ang kahalagahan ng internet sa e-commerce dahil sa pamimili ng mga tao at pagkuha ng serbisyo via online. Kahit nga sa paghahanap o paghingi ng tulong sa mga nangangailangan eh mas mabilis na naipararating sa paraan ng social media. Kaya bukod sa mas mabilis na internet, dapat lawakan na rin ang pagkakaroon ng libreng wi-fi.
Marami talaga tayong natutunan sa pandemic na ito. Pero sana, ang naglabasang mga problema eh mahanapan ng solusyon at hindi basta na lang palampasin hanggang sa makalimutan; at maaalala lang ulit kapag nagkaproblema na naman. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”