Summer na naman kaya available na naman ang trabahong alok sa ilalim ng Special Program for the Employment of Students (SPES).
Sa ilalim ng nasabing programa ay maaaring makapagtrabaho ang mga estudyante na nasa bakasyon ng mula 52-araw o hanggang 78-araw na katumbas ng tatlong buwan.
Ang good news pa sa SPES ay hindi lang pala mga estudyante ang covered ng programa kundi maging mga out-of-school youth matapos itong amyendahan noong Agosto.
Itinaas din ang sakop na edad na covered ng SPES law dahil mula sa dating hanggang 25-anyos ay ginawa na itong hanggang 30-anyos.
Layon ng ginawang pag-amyenda ay upang mapalawak ang sakop ng batas at mabigyan din ng oportunidad ang mga out-of-school youth lagpas 25 ang edad na kumita at nang sa gayon ay makabalik sila sa eskuwela gamit ang kita sa pagtatrabaho.
Sa ilalim ng SPES ang 60 percent ng suweldo ng SPES beneficiaries ay sasagutin ng kumpanyang papasukan, habang ang 40 percent ay magmumula naman sa gobyerno.
Ilan sa mga trabahong puwedeng pasukin sa ilalim ng SPES ay food service crews, office clerks, gasoline attendants, cashiers, salesladies, promodizers, clerical jobs gaya ng encoding, messenger, computer at programming jobs.
Nakakatuwa ang ganitong klaseng programa ng ating pamahalaan. Alam kong matagal na itong batas at matagal na ring ini-enjoy ng ating mga kababayang kabataan pero mukhang limitado ang nakikinabang.
Kaya ang ating panawagan sa pamahalaan, palakasin ang information dissemination hinggil sa programang ito para mas maraming higit na nangangailangang mga kabataan ang matulungan.
Sana ay maging aktibo ang mga local government units sa pag-aanunsyo sa kanilang mga barangay upang maraming mga estudyante ang makaalam at magkaroon ng interes dahil kapakinabangan naman nila ang hatid ng programang ito.
Makakatulong na sila sa kanilang mga magulang ay magiging produktibo pa ang kanilang pagbabakasyon dahil dagdag kaalaman sa kanila ang anumang papasuking trabaho sa ilalim ng SPES.