Hindi umano mga ‘body camera’ ang kailangan ng mga pulis sa isinasagawang operasyon ng mga ito kontra droga kundi isang matinding ‘spiritual formation’.

Ito ang inihayag ni Lipa Archbishop Emeritus Ramon Arguelles, dating Obispo ng Military Ordinariate of the Philippines kasunod na rin ng mga kontrobersiyang kinakaharap ng kapulisan ngayon dahil sa sunud-sunod na patayan sa mga anti-drug operations sa bansa.

Naniniwala si Arguelles na hindi sapat ang body camera upang mahadlangan ang isang tao na may masamang intensiyon.

Mas makabubuti na mabigyang-pansin ang spiritual formation sa mga ito, na may pagbibigay-diin sa pagtuturo ng positibong values at pagpapahalaga at respeto sa buhay.

“I am in favor of giving the police intense spiritual formation on the divine commandments and respect for human right to life,” ayon kay Arguelles.

“If they have an evil heart they will do evil no matter what you place in their body,” dagdag ni Arguelles.

Nanawagan rin naman ang arsobispo sa mga taong nasa kapangyarihan na magtrabaho para sa kabutihan ng nakararami, dahil na rin sa dumara­ming biktima ng extrajudicial killings sa bansa.