Dapat sa mismong sarili ng mga kawani at opisyal ng Bureau of Customs (BoC) magsimula ang pagbabago para tuluyang maalis ang batik ng katiwalian sa kawanihan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kailangan na ng spiritual transformation sa mga BOC dahil nasa mga tao ng ahensiya ang problema at hindi ang sistema.
Kapag aniya “internally transformed” ang isang indibidwal, sarili na nito ang kalaban at mahihiya na ito kapag gumawa pa ng masama.
“Alam mo, ang problema kasi nasa tao eh. Siguro we have to … siguro kailangan mag-spiritual ang mga taong iyan. Kasi kung aasahan mo lang iyong sistema hindi na magbabago. Sabi nga ng aking spirit guide, “You want to change society, change yourself.” Otherwise, walang mangyayari sa inyo, palagi kayong ganyan,” ani Panelo.
Batay sa impormasyon aniya ng Pangulo, marami sa mga taga-BOC ang sangkot sa katiwalian at talamak ang problema dahil mula sa ibaba hanggang sa itaas na antas ng ahensiya ay may kakabit na katiwalian.
Sinabi ni Panelo na malala ang korapsiyon sa ahensiya kayat kahit sino ang ilagay na opisyal ay pinaglalaruan lang ng mga sanay na sa paggawa ng katiwalian.
“Ang problema diyan, kaya nga ‘di ba sinabi ni Presidente, iyong mga nasa baba talaga na ano eh … mukhang marami sa kanila ang involved. Sabi ng—ang Customs malala ang corruption eh. Kahit na sino ang ilagay mo, mukhang nahihirapan silang maging matagumpay. Pinaglalaruan ka ng mga nasa baba mo eh, ganoon ang nangyari diyan,” dagsag pa ni Panelo.
Kamakailan lamang ay inilabas ng Presidential Anti-Corruption Commission o PACC ang listahan ng pinaka-corrupt na mga ahensiya ng pamahalaan kung saan, pumangatlo ang BOC, nanguna ang Department of Public Works and Highways na sinundan ng Bureau of Internal Revenue.