Kumampay ng limang gold medal si Mark Bryan Dula ng Parañaque City kaya naman agaw eksena ito kahapon sa swimming competition ng 11th Philippine Sports Comission-Philippine National Youth Games-Batang Pinoy Championships 2019 Luzon Leg sa Isabela Sports Complex pool sa Ilagan City, Isabela.

Nilangoy ni 12-year-old Dula ang mga tagumpay sa 200-meter at 100m backstroke, 100m at 50m butterfly, at 50m backstroke boys 12-under at walisin ang sinalihang limang event.

Unang sinikwat na ginto ni Dula, naging guest sa Abante Web TV Sportalakan sa Makati noong Marso 4, ang 50 back sa 33.46-sec. noong Martes sa event na inor­ganisa ng PSC sa pamumuno ni chairman William ‘Butch’ Ramirez.

Nagtala ng dalawang minuto at 44.46 segundo sa 200m back si Dula, nirehistro ang 1:08.82 sa 100m fly, 1:14.71 sa 100m back at 30.78 sa 50 fly.

Dahil sa panalo, nilampa­san ng Mashville Elementary School grade 6 student ang national juniors record holder at kakam­ping si Micaela Jasmine Mojdeh na mayroong apat na ginto.

“Todo paghahanda po ang ginagawa ko ngayon kasi gusto ko rin pong manalo rito at sa next month Davao Palarong Pambansa,” masayang sabi ni Dula.
Nagwagi ang 12-anyos na si Mojdeh sa 200m at 400m individual medley sa unang araw. (Elech Dawa)