Hindi lang news at showbiz programs ang maaapektuhan sa posibleng pagsasara ng ABS-CBN.
Sa ngayon ay sa ABS-CBN Sports and Action pinapalabas ang mga live telecast ng NBA game.
Dagdag pa rito ang aksyon sa UAAP at NCAA na inaabangan ng madla, mula sa basketball, volleyball at cheerleading competition.
Saan mapupunta ang mga ito sakaling magsara nang tuluyan ang Kapamilya network?
Mahirap na usapin lalo’t hindi basta-basta ang pagkuha ng airing rights ng mga nasabing sports event.
Dapat ay pag-usapan na rin ng mga nasabing liga kung papaano na ang magiging set up sakali mang matuloy ang pagsasara ng ABS-CBN, na sana’y hindi matuloy dahil marami rin ang mawawalan ng trabaho.
***
Sa susunod na basketball season sa UAAP 83, posibleng manatili sa tuktok ang Ateneo Blue Eagles.
Ito’y kahit pa nawala sa kanilang koponan ang malalakas na manlalarong tulad nina Thirdy Ravena, Isaac Go at magkapatid na Mike at Matt Nieto.
Sa ngayon ay nagpapakitang-gilas ang third-year guard na si SJ Belangel, na primary scorer ngayon ni Tab Baldwin.
Isa pa sa inaabangan ay ang magkapatid na Dave at Eli Ramos na posibleng maging sunod na malakas na tandem ng mag-utol kasunod ng Ravena at Nieto Bros.