Sports club ipalit sa mga fraternity

Sa matagal na panahon, kahit nang maliit pa lang noon ako hanggang nitong mga nakalipas na ilang taon, nakakasaksi ako ng mga iniation rite para mga pumapasok sa mga fraternity.

Minsan alam ako na may ipa-paddle kaya inaabangan ko. Minsan din ay aksidente lang ang pagkasaksi ko.

May mga kamag-anak din kasi akong nag-Philippine Military Acade­my, Far East Phili­ppine Academy, Phili­ppine National Police Academy, University of the Philippines, Philippine College of Criminology, sa eskuwelahan kong Manuel Luis Quezon University sa Quiapo, Manila, at iba pa.

Sa mga napanood kong seremonyas na ‘di alam nang nagsasagawa, nakita kong tapos nang non-stop bugbugan sa isang kawawang nila­lang, na sira yata ang ulo sa pinapukan, halos patay na siya o lantang gulay bago tigilan ng mga nanggulpi sa kanya.

Ilang dekada ko na ring napapanood sa mga television, nababasa sa mga newspaper at naririnig sa mga radio ang iba’t ibang balitang may mga napatay o nabaldado dahil sa hazing.

Pero walang ginagawang solusyon ang ating mga politiko.

Noon saka ngayon? Mas malala na sa kalukuyan. Marami nang mga namatay. May nagmungkahi gawing heinous crime ang hazing. Wala pa rin ‘yan.

‘Di nga ba may silence mode na umiiral sa bawat mga fraternity. Sa militar may motto pang ‘what you see, what you hear, just leave it here’. Mayroon rin ang bawat fraternity at sorority organization.

Mas mabuti, ipagbawal na ang pagtatayo ng mga fraternity at maging sorotity.

Sa ‘di malutas na mga kaso sa napakatagal ng panahon, cancer na rin ng lipunang matatawag ang hazing sa atin.

Gaya sa mga ‘di na mabilang na mga namatay d’yan sa PMA, PNPA, UP, etc. dahil sa hazing. Dahil sa frat.

Panahon na kung may nagmumungkahing maging heinous crime ang hazing, isama na rin sa heinous crime ang pagtatayo ng mga frat. Kung noong mga dekada 50 hanggang 80 siguro, ayos lang ito. Ngayon ‘di na.

Sa halip na mga frat ang itayo, sports club na lang.

Halimbawa dahil sa ang PMA ay nasa Baguio, sana pagkaroon na lang ng PMA Running Club para makapag-high altitude training sila. Malay natin may madiskubreng magaling d’yang marathoner.

Sa Iwahig sa Palawan o sa National Bilibid Prison sa Muntinlupa City, sa halip na mga frat-frat, sports organization na lang din ang itayo para rin sa brotherhood yan.

Malay natin isang ex-convict pa pala ang magbigay sa lahing kayumanggi ng unang gold medal sa Olympics.

Na ‘di pa natin natatamo sa loob ng 95 na taon o sapul nang unang sumali ang ‘Pinas sa 8th Summer Olympic Games 1924 sa Paris, France.
Ano po sa palagay ninyo?