May ilang taon na rin na nalibot ko ang mga bara-barangay sa Makati City dahil sa aking pag-eensayo para sa isang full marathon.

Dahil may pasok mula tanghali hanggang gabi, nakatoka ang praktis ko tatlong beses isang linggo bawat madaling araw hanggang umaga.

Marami akong nakitang mga pasilidad sa sports sa lungsod, sa karamihang barangay.

Maliliit lang ang mga ito pero lahat ng karatula o nakapaskil na pangalan sa labas ay mali. Lahat sinasabing sports complex. Pero ang totoo ay mga covered basketball court lang pala.

Ilan sa mga nakita ko ay ang Guadalupe Nuevo Barangay Hall and Sports Complex, Guadalupe Viejo Sports Complex, Brgy. Olympia Sports Complex, Brgy. Carmona Sports Complex at marami pang iba.

Isang malaking kamalian ang mga nakakabit na pangalan sa mga covered basketball court lang.

Sigurado akong naganap ang lahat sa pagpapabubong, pagpapakumpuni at paglalagay ng mga pangalan sa mga basketbolan, nang panahon ng mga Binay dahil sila ang nasa poder ng lungsod sa loob ng 32 taon o sapol pa noong Pebrero 1986 hanggang ngayon.

Minsang nabanggit ko na rin ang bagay, na pagtatama sa mga pangalan ng pasilidad, kay Makati 1st Dist. Rep. Manuel Monsour del Rosario III sa isang qualifyin­g meet ng 5th Asian Indoor and Martial Arts Games 2017 sa Harrison Plaza sa Malate, Manila nang nakaraang taon. Sabi niya, titingnan niya.

Pero ilang buwan na. Wala pa akong nakikitang aksiyon.

Ang masakit, pati mga bata ay sports complex na rin ang tawag sa mga hindi naman sports complex. Isang halimbawa ng sports complex ay ang Rizal Memorial Sports Complex na nasa Malate rin. May track oval, lawn tennis court, taekwondo gym, weightlifting gym, gymnastics center, badminton hall, swimming pool, boxing gym, at marami pang iba na mapaglalaruan.

Kaya tinatawagan ko rin si 2nd Dist. Cong. Luis Jose Angel Campos, Jr. at si Mayor Mar-Len Abigail Binay-Campos. Itama na po ang mga mali.

***
Maligayang pagbabalik-bayan sa aking kapatid na si Cecilia D. Cruz, isang OFW sa Taiwan, na parating sa araw na ito.