Sports consultant timbog sa mga baril, bala

Arestado ang sports consultant ng Dagupan City sa Pangasinan­ matapos itong mahulihan ng dalawang­ matataas na kalibre ng baril at mga bala sa isina­gawang operas­yon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kahapon.

Kinilala ang nadakip na si Angelito Gumarang, 55, may-asawa, consultant ng Dagupan City on Sports and Barangay Affairs at taga-Barangay Bonuan Gueset ng nasabing lungsod.

Sa ulat ng CIDG Pangasinan, nilusob nila ang tahanan ng suspek dakong alas-6:30 nang umaga sa bisa ng search warrant na inilabas ni Hon. Caridad Galvez, presiding judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 43 ng Dapupan City dahil sa ulat na nagtatago ito ng baril na walang lisensya.

Nakuha sa pag-iingat­ ng suspek ang isang 5.56 baby armalite, 1 Short Magazine para sa Armalite Rifle; 15 Live Ammunition para sa Armalite Rifle; 2 Cal. 45 baril, 1 Magazine para sa Cal. 45; 7 Live Ammunition para sa Cal. 45; at 1 magazine ng kalibre .45 baril.

Wala namang maipakitang dokumento ang suspek sa pulisya.

Bunga nito’y dinakip ito at nakakulong nga­yon sa tanggapan ng Pangasinan CIDG. ­(Edwin Balasa)