Sports event bawal pa sa Mayo – Roque

Wala pa ring aktibidad na maisasagawa sa komunidad ng sports hanggang sa matapos ang Mayo 15.

Tinalakay at inaprubahan ng Inter-agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases (MEID), na hindi pa rin papayagan ang lahat ng mass gatherings habang hindi pa tuluyang natatapos o maideklarang kontrolado na ang paglaban ng bansa sa coronavirus disease 2019 pandemic.

“Sports related mass gatherings, including but not limited to tournaments, are not allowed,” paliwanag kahapon ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Pinagtibay ang guidelines bilang Resolution 29 ng IATF-MEID para sa general community quarantine (GCQ), kung saan nakatakda pang pag-usapan ang magiging kapalaran para sa operasyon ng barbershops at salons na ipa-finalize ng Malacañang Palace.

Una nang ini-extend ng pamahalaan ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila at ilang high-risk na mga probinsiya hanggang May 15 upang mapigilang ang paglaganap ng COVID-19.

Pero may ilang lugar na hindi na makakasama sa lockdown extension, binaba sa GCQ simula Mayo 1 kung saan uni-unting ire-relax ang ilang restriction. (Lito Oredo)