Inaasahang makakaranas ng de-kalidad na paghahanda at makabagong pagsasanay ang mga pambansang atleta sa nakatakdang pagtatayo ng Philippine Sports Training Center.

Ito ay matapos na aprubahan ng Bicameral Conference Committee ang batas na nagtatakda sa pagtatayo ng kauna-unahang sports training center sa bansa.

Ang PSTC ay bubuuin ng training facilities para sa Olympics at ibang aktibidad sa sports na kinakailangan at napapanahon para sa mga pambansang atleta sa ilalim ng pamamahala ng Philippine Sports Commission (PSC) na nakasaad sa pinagsamang bersiyon ng Senado at House of Representatives.

Ang P3.5 bilyon pondo ay itatakda at isasama sa General Appropriations Act (GAA). Ang iba pang kailangang pondo para maisagawa ang mga probisyon sa batas ay ilalagay naman sa badyet ng PSC.

Ipinagpasalamat naman ni Senador Joel Villanueva, vice chair ng Senate Committee on Sports, ang pag-apruba ng bicameral sa batas.

“We thank the Senate sports committee chair Senator Manny Pacquiao, the principal author of this measure, Senator Sonny Angara, and all the authors in both Houses for supporting this measure,” sabi ni Villanueva.

“It is about time that we build a home for our future champions who bring nothing but pride and honor to this country,” sabi ni Villanueva, na dating national athlete na naglaro sa unang Southeast Asia Basketball Association (SEABA).