Nakuha ng San Antonio Spurs ang tamang timpla habang palapit ang playoffs, pinahaba pa sa walo ang winning streak nang huling biktimahin ang Portland Trail Blazers, 108-103, Sabado ng gabi.

Sa likod ng 21 points ni DeMar DeRozan ay kumapit ang Spurs (41-29) sa sixth ng Western Conference.

Minalas pa ang Blazers nang abutin ng left leg injury si CJ McCollum.

Nagsumite ng 34 points si Damian Lillard sa Portland, nahirapan ding habulin ang panalo sa pagkawala ni McCollum.
“He’s so big for our team,” ani Lillard.

Inalalayan si McCollum nang ilabas ng court, 7:03 pa sa third quarter. Ilang minuto rin siyang nanatili sa court, hawak ang kaliwang paa at nakangiwi sa sakit matapos bumagsak nang blangkahin ni Jakob Poeltl ang kanyang left-handed layup. Pagbagsak ng dalawa ay nadaganan ng kanang paa ni Poeltl ang kaliwa ni McCollum.

Tumapos si McCollum ng 10 points sa 22 minutes.

Kasama ang block ni Poeltl sa season-high 11 ng Spurs, isang laro na lang sa likod ng Oklahoma City (42-28). Nasa fourth sa West ang Portland (42-27), half game sa unahan ng Thunder.

Napuwersa sa 14 lead changes at 12 ties ang laro bago kumapit sa dulo ang Spurs.

Tumapos ng 12 points si LaMarcus Aldridge para sa San Antonio, may 18,331 points total na siya para alpasan sa 70th ng career scoring list si Hall of Famer Dave Bing na nakatipon ng 18,328 sa loob ng 12 season.