Habang sumasabay sa mainit na panahon ng El Niño ang bangayan sa pulitika dahil sa halalan, tuloy lang sa trabaho si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino para madagdagan pa ang mga magagandang proyekto at programa na iiwan ng kanyang liderato sa mga boss niya na mamamayang Pilipino.
Katunayan, isa namang mahalagang tulay ang pinasinayaan ni PNoy sa Pamplona, Cagayan na pakikinabangan ng mga bumibiyahe sa Cagayan, Cordillera, at Ilocos Region. Ang tulay na ito na nagkakahalaga ng P675 milyon ay may haba na 489.80 meters na sinimulang itayo noong 2013.
Bukod sa pagtatayo ng bagong tulay, ipipreserba naman ang dati nitong tulay na naging mahina na sa paglipas ng mahabang panahon — ang Pamplona bridge. Sa kahilingan na rin ng lokal na pamahalaan sa National Historical Institute, maaaring maging atraksyon sa turismo ng Pamplona ang tulay dahil sa kahalagahan sa kasaysayan nito sa lalawigan.
Ang bagong Pamplona bridge ay isa lamang sa napakaraming proyekto na iiwan ni PNoy sa mga boss niya. Sa nakaraang mga buwan ay isa-isang pinasinayaan ni PNoy ang mga infra projects na ipinagawa niya. Kasama na rito ang mga tulay o kalsada na sinimulan o binalak na ipatayo ng mga nagdaang administrasyon pero hindi nagawa o natapos dahil sa kakulangan ng pondo.
Pero dahil sa maayos na pamamahala, tamang paggamit ng pera ng bayan at paglago ng ekonomiya, nagkaroon ng sapat na pondo ang administrasyong Aquino para maisagawa ang mga proyekto na hindi nagawa ng mga dating lider ng bansa.
Ang inakala nga noon na imposible nang magawa ang tulay sa Tuao, Cagayan na magkokonekta sa Cagayan Valley Region at Cordillera Administrative Region (CAR), partikular ang mga lalawigan ng Kalinga at Apayao, ay nagawa at pinangalanang Ninoy Bridge.
***
Gayundin ang Lullutan bridge sa Isabela na 20 taong nasa plano pero naisakatuparan lang sa ilalim ni PNoy; at maging ang Aluling bridge sa Ilocos Sur na 35 taong nasa plano at ngayon lang naisagawa. Isama na rin diyan ang circumferential road sa Basilan at ang sisimulan na ring proyekto ng LRT-7 na magdudugtong sa Quezon City hanggang Bulacan.
Sa kabila ng mga negatibong balita na makikita sa social media, hindi maaalis ang katotohanan na naibalik ni PNoy ang kumpiyansa ng mga dayuhang mamuhunan sa Pilipinas. Kinilala nga ng iba’t ibang dayuhang credit institution ang matuwid at mahusay na pamamahala ni Aquino kaya naging sunud-sunod ang positibo at matataas na credit ratings na nakuha ng ating bansa.
Bakit ba naman hindi, mula 1999 hanggang 2009, nasa 4 percent lang ang average na gross domestic product o GDP ng Pilipinas. Pero sa ilalim ng pamamahala ni PNoy, mula 2010 hanggang 2015 (at malamang hanggang 2016) ay nasa 6 percent ang GDP ng Pilipinas.
Paniwala ng mga eksperto, maaaring umabot pa tayo sa 7 percent kung hindi nagkaroon ng matitinding kalamidad sa bansa tulad ng bagyo, lindol, kaguluhan sa Mindanao, at ngayon naman ay El Niño.
Dahil sa matibay na pundasyon na iiwan ni PNoy sa susunod na lider, asahan na mas maayos na pamahalaan ang daratnan ng susunod na pangulo. At kung maipagpapatuloy nito ang magandang pamamahala at tiwala ng international community, maaaring sa kanyang termino magaganap ang lubos na pagdaloy paibaba ng biyaya ng kaunlaran. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)