Naglabas ng press release ang Energy Regulatory Commission (ERC) nitong Mayo 3 hinggil sa direktiba nila sa isang power distribution utility na i-refund sa customers ang P6.9 bilyong over collection.

Kinabukasan tinanggal ng ERC sa kanilang website ang nasabing press release dahil sa wala pa raw final order ang ahensiya sa nasabing refund.

Lumabas ang kontrobersyal na press release isang araw matapos na patawan ng 90 day preventive suspension ng Office of the President si ERC chairman Jose Vicente Salazar, epektibo Mayo 2, dahil sa kinakaharap nitong administrative charges – serious dishonesty, gross neglect of duty, grave misconduct, gross insubordination, paglabag sa Government Procurement Reform Act, Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Sangkaterba ang reklamo laban kay Salazar kaya para matakpan ito pansamantala, naglabas ito ng press release hinggil sa naging desisyon daw ng ERC sa refund.

Agad naman itong kinontra ni ERC Commissioner Josefina Asirit na nagsabi pang wala silang inaawtorisahan na maglabas ng press release dahil sa wala pa namang final order sa refund.

Wasak na kasi ang imahe ni chairman, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte, nag-uumapaw na ang galit dito sapul noong mag-suicide si ERC bids and awards director Jun Villa. Kaya para malihis ang atensyon, naglabas ng press release sa refund si chairman upang magpapogi sa taumbayan na ginagawa niya ang kanyang trabaho at para maawa sa kanya ang mamamayan.

‘Yun pa ang isang mali doon. Hindi naman si chairman ang nagtrabaho sa refund na ito dahil ‘yung mismong power utility firm ang nagpetisyon sa ERC na ibalik sa customers ang sobrang singil sa kuryente. Ito rin ang ginawa ng ibang distribution firm at kooperatiba bilang pagsunod sa batas.

Malinaw na squid tactics ni chairman ang paglalabas ng press release. Nakarating na kasi sa kaalaman ng Palasyo ang mga kabalbalan nito tulad na lang daw ng rate-fixing case at ang kuwestiyonableng approval ng pitong power contract extensions sa pagitan ng FDC Misamis Corp. at pitong Mindanao-based electric cooperatives.

Bukod sa isinasagawang imbestigasyon ngayon ng Office of the President, iniimbestigahan na rin ng Kamara at Senado si Salazar hinggil sa kinalaman nito sa pagpapakamatay ni Villa noong Nobyembre ng nakaraang taon.

Ang nakakatawa dito, may isang kongresista ang sumakay sa isyu nang igiit ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate ang one-time refund sa customers. Mukhang hindi man lang nag-imbestiga muna si congressman bago sinakyan ang nasabing isyu. O baka naman may mga taong kumukumpas sa kanya?

***

Nakakaawa naman ang nangyari sa 40 janitor at maintenance personnel ng Senado na napilitang matulog sa damuhan matapos silang pagbawalan na mag-stay in sa mga opisinang kanilang pinagsisilbihan.

Galing sa malalayong lugar ng San Jose del Monte, Bulacan; Sta Cruz, Laguna at Nueva Ecija ang mga janitor kung kaya’t imbes na umuwi pa sila ng kanilang bahay ay natutulog na lang sila sa loob ng Senado hanggang sa ipagbawal ito ng Secretariat dahil sa ilang insidente ng mga nawawalang gamit umano dito.

Naantig si Sen. Sonny Angara sa kanilang kalagayan kung kaya’t kinalampag niya ang Senado kung may posibilidad na mabigyan ng maayos na tulugan ang mga janitor.

Aba’y kung hindi pa nagsalita si Angara, hindi pa kikilos ang liderato ni Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III sa kalagayan ng mga taong nagtatrabaho sa Senado. Aabangan natin ang magiging aksyon dito ng Senate leadership.