Binokya ng Letran ang San Beda 4-0 para sikwatin ang korona ng 92nd NCAA juniors chess tournament sa JRU gym.
Sinulong nina Mark Daluz, Melito Ocsan, Eric Yap at Alexis Osena ang panalo para sa Squires na hinawakan ni National Master Roland Joseph Perez.
Tinanghal si Daluz na juniors MVP.
Nakapuwersa ang Letran ng deciding finals game matapos ang 2.5-1.5 panalo kontra San Beda.
Nanaig ang Cubs sa Squires 3-1 para manguna sa first round pero nabawian sila ng Letran sa second.
“The boys just kept the faith that they could beat San Beda and they did,” saad ng dating Adamson standout na si Perez.
Pangalawang kampeonato ito ng Letran ngayong season, unang angkinin ang titulo sa men’s badminton.
Naghari naman ang San Beda sa seniors division matapos hablutin ang liderato sa first at second round.
Ang event ay inorganisa ng JRU sa pangunguna ni athletic director at Management Committee member Paul Supan.