Inilunsad na ng gobyerno ang SRP o suggested retail price sa mga ibinebentang bigas sa pamilihan sa buong bansa kaya aasahang bababa na ang presyo ng mga ito.

Matagal ding nakaranas ng kalbaryo ang mga pilipino sa mataas na presyo ng bigas dahil sa kontrobersiyal na pagkaubos ng supply ng National Food Authority (NFA) kaya naman nagpiyesta ang mga sindikato ng rice cartel at sinamantala ang pagtaas ng presyo ng kanilang bigas.

Pero hindi na ito uubra ngayon dahil marami ng supply mula sa inangkat na bigas sa ibang bansa at bumaba na rin ang presyo nito sa mga palengke.

Matagal nang naririnig ang SRP lalo na kapag may kalamidad o shortage sa supply ng ano pa mang produkto pero parang wala lang dahil wala namang napaparusahan. Pero hindi na ngayon dahil desidido ang gobyerno na ipatupad ang parusa sa mga lalabag sa SRP.

Sa unang paglabag, bibigyan ng warning, pagmumultahin naman ang mga violator sa ikalawang paglabag at kapag paulit-ulit at pasaway na ay kakanselahin ang lisensiya sa NFA at may kasamang kulong ng hanggang apat na taon at mul­tang isang milyong piso.

Ang maganda pa rito, wala nang makikitang iba’t-ibang klase ng bigas sa mga palengke na nagpapalito sa mga mamimili gaya ng rosa, dinurado, kokuyo, jasmin at iba pa na may iba’t-ibang presyo.

Sa pamamagitan ng SRP, ang imported well-milled na bigas ay hindi dapat tataas sa P39 kada kilo ang presyo habang ang imported premium ay dapat P43 ang presyo kada kilo.

Ang bigas naman na produkto ng bansa na regular-milled ay dapat P39 o mas mababa pa kada kilo, well-milled dapat P44 kada kilo at premium P47 kada kilo.
Malaking hamon ngayon sa Department of Trade and Industry (DTI), NFA at Philippine National Police (PNP) ang paghuli sa mga lalabag sa SRP dahil matitinik ang mga rice traders at retailers kapag nag-operate ang mga ito.

Unang araw pa lamang ng inspection ay marami na agad ang nabigyan ng war­ning sa Trabaho Market sa Sampaloc,Manila kaya’t aasahang marami pang mapagsasabihan.
Ang kailangan ay sampulan agad ng golpe de gulat ang mga pasaway na rice traders at retailers para maiparating ang mensahe na seryoso ang Duterte administration sa mga ipinatutupad na pagbabago sa bansa.

Nakaabang ang publiko kung magtatagumpay ang implementasyon ng SRP sa bigas o ningas kugon lamang ito gaya ng mga nakalipas na panahon.