Kumubra ng magkahiwalay na panalo ang last year’s runner-up San Sebastian College at JRU kahapon sa 92nd NCAA women’s volleyball sa Filoil Flying V Arena sa San Juan City.

Nasagad sa five sets ang Lady Stags bago ipinagpag ang makukulit na Letran Lady Knights 28-26, 25-14, 24-26, 24-26, 15-7 para samahan sa tuktok ang defending champion College of Saint Benilde tangan ang malinis na tigatlong panalo.

Walang kahirap-hirap naman na pinasabog ng Lady Bombers ang EAC Lady Generals 25-14, 25-16, 26-24 para ilista ang 2-1 karta.

Nanatiling walang panalo sa tatlong laro ang Lady Knights at Lady Generals.

Nabigla ang Lady Stags dahil hindi rin nila akalaing mapapahirapan sila ng Letran.

“It’s a simple case of overconfidence that it almost cost us the game,” wika ni San Sebastian coach Roger Gorayeb. “This is a single-round robin elimination and all the games here matter. Every game is a championship game,”

Tumikada sina reigning back-to-back MVP Grethcel Soltones at Joyce Sta. Rita ng tig-15 points para sa San Sebastian.

Bumakas sina Lady Stags netters Nikkma Mariel Dalisay at Dangie Encarnacion ng tig-12 hits, may 11 si Katherine Villegas.

Si Shola Alvarez ang namuno sa opensa ng JRU sa nilistang 17 markers, nagdagdag si Rosalie Pepito ng nine.

Sa juniors, pinagpag ng Letran ang San Sebastian 25-12, 25-16, 19-25, 25-21 para ilista ang 2-1 card.