Buhay pa ang defending champion College of Saint Benilde matapos mairaos ang 25-22, 25-20, 25-15 panalo laban sa San Beda sa first stepladder semifinals kahapon sa women’s division ng 92nd NCAA volleyball tournament sa The Arena San Juan City.

Nagtulong sina Ranya Musa at last year’s finals MVP Jeanette Panaga sa opensa para sa Lady Blazers matapos magtala ng 15 markers at 11 points ayon sa pagkakasunod.

Abante sa second stepladder semis ang Saint Benilde habang tikwas na ang Lady Red Spikers.

Susunod na haharapin ng Taft-based squad ang No. 2 Arellano University na may twice-to-beat advantage sa Biyernes habang naghihintay sa championship round ang last year’s runner-up San Sebastian na sasandalan ang kanilang thrice-to-beat edge.

Gaya nu’ng nakaraan, mahaba ang binaybay ng Lady Blazers bago naabot ang tuktok nanaig sa first at second stepladder bago ginulat ang Lady Stags na may thrice-to-beat sa finals.

Bumakas din sina Rachel Austerio at Angela Enginco ng 11 at nine markers para sa CSB na pinaluhod rin ang San Beda sa playoff para sa No. 3 spot.

Kumana si Francesca Racraquin ng 11 hits para sa Lady Red Spikers habang tumipa sina Nieza Viray at Satriani Espiritu ng pinagsamang 15 puntos.