Naghain kahapon ng notice of strike ang mga empleyado ng St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City matapos na bale­walain umano ng pamunuan ng ospital ang kautusan ng Department of Labor and Employment (DOLE).
May kinalaman ang usapin sa kautusan ng DOLE na magsagawa ng Certification Election (CE) ang mga empleyado ng St. Luke’s-BGC para malaman kung sino ang magiging kinatawan nila sa mga collective bargaining negotiation.
Pahayag ng St. Luke’s Medical Center (BGC) Employees Union-Independent, inilabas ng DOLE sa pamamagitan ni Med-Arbiter Joel Petaca ang natu­rang kautusan noong Hulyo 22 pero inapela ito ng incumbent union na affiliated sa Alliance of Filipino Workers (AFW).
Nalaman na nasa tanggapan na ngayon ni DOLE Secretary Silvestre Bello III ang kaso at hindi pa rin nadedesisyonan.
Giit ng mga magwewelgang empleyado, unfair labor practice ang ginagawa laban sa kanila ng pamunuan ng ospital na isang punto para magsagawa sila ng welga sa ilalim ng Labor Code.
“Our right to democratically elect a union that shall represent our interests as employees has been violated by our very own employers when they chose to negotiate with the representatives of AFW des­pite being prohibited by labor laws,” paliwanag ni Sherwin Moscosa, presidente ng independent union.
Giit pa ni Moscosa, ipinagbabawal umano sa ilalim ng Article 256 ng Labor Code para sa AFW at sa pamunuan ng St. Luke’s-BGC na magsagawa ng negosasyon habang may nakabinbin pang petisyon na kumukuwestiyon sa status ng bargaining agent.
Suspetsa ni Moscosa na may sabwatan umano ang pamunuan ng ospital at incumbent union para isulong ang isang iligal na collective bargaining agreement (CBA). (Juliet de Loza-Cudia)