Naglabas ng Temporary Environment Protection Order ang korte laban sa Sta. Lucia Realty and Development, Inc. (SLRDI) para sa pagpapatigil ng ginagawang paghuhukay sa ari-arian na nasasakupan ng Pinewoods Golf Course and Country club na nasa pagitan ng Baguio City at Tuba, Benguet.

Sa dalawang pahinang kautusan, sinabi ni Judge Maria Ligaya ng Baguio City regional trial court na sa imbestigasyong ginawa ng Department of Environment and Natural Resources, ang SLRDI ay walang permit para pumutol ng pine tree sa golf course project site.

Tanging mayor’s clearance lamang ang ibinigay sa kompanya para putulin ang 35 Benguet pine tree ngunit hindi umano ito kapareho ng permit.

Nalabag umano ng kompanya ang probisyon sa Philippine Environment Impact Assessment statement at Forestry Reform Code of the Philippines bukod pa sa paglabag sa Indigenous Peoples Rights Act na hinain ng mga kamag-anak ng orihinal na may-ari ng lupa.