Staff ni Bong Revilla nasawi sa virus

Pumanaw ang lalaking staff ni Senador Ramong Bong Revilla Jr. dahil sa coronovirus disease (COVID-19).

Sa ipinadalang statement ng tanggapan ng senador, namatay ang staff nito kahapon ng hapon.

“I lost my staff and friend of almost 30 years to this COVID-19 this afternoon. I ask everyone for prayers especially para sa kanyang iniwang mga mahal sa buhay,” sabi ni Revilla.

Namatay ang staff ng senador ilang araw matapos ihayag ng Senado na may dalawang staff nina Revilla at Sen. Pia Cayetano ang nagpositibo sa naturang virus. Isa pang consultant ni Cayetano ang nahawahan din ng Covid-19.

Labis naman ikinalungkot ni Revilla ang pakawala ng kanyang staff na kanyang ring kaibigan mula pa noong siya ay nag-aartista.

“Everything was so fast and sudden. He has been with me mula sa pag-aartista – through the ups and downs, the thick and thin – tapos ngayon wala na siya,” pahayag ng senador.

“Salamat sa pagmamahal hindi lang sa akin kundi pati sa aking pamilya – asawa, mga anak, at mga apo – lalo na sa mga panahon ng matinding pagsubok hindi mo ako iniwan. Pero ngayon, napakabilis ka namang kinuha sa amin, at ‘ni huling pamamaalam, hindi namin pwedeng ibigay sa’yo. Napakasakit.

“We had a good run. I will miss you. It will not be the same,” dagdag pa nito.

Na-confine ang staff ni Revilla sa isang ospital sa Imus, Cavite mula pa noong Marso 22 dahil sa pneumonia.

“He has not travel history and no known contact with COVID-19 positive individuals,” base sa unang pahayag ni Senate Secretary Mrya Villarica.

Huli siyang pumasok sa trabaho noong Marso Marso 9 at nagtungo pa sa Senado noong Marso 16 para kunin ang kanyang suweldo.

Nanawagan naman ang senador sa publiko na manatili na lang sa kani-kanilang tahanan para mahawahan ng nakakamatay na virus na ito.

“Mga kababayan, napakabagsik ng sakit na ito. At sa pagdapo nito kung kanino, daig pa ang napakatalas na punglo na babaon sa puso ng mga nagmamahal sa’yo,” panawagan ni Revilla.

“Dalangin kong huwag na mapagdaanan pa ninuman ang sakit na pinagdadaanan namin ngayon. Please, please – stay at home. Bantayan ninyo ang inyong mga sarili at mga mahal sa buhay. Sa awa ng Panginoon, nawa ay matapos na ang pinagdadaanan nating ito,” dagdag pa nito. (Dindo Matining)